Ang televised public address ng Pangulong Rodrigo Duterte ay magsisilbi na ring report nito sa kongreso kaugnay sa Bayanihan To Heal As One Act.
Ayon ito kay House Speaker Alan Peter Cayetano na nagsabing naghihintay na rin sila sa ikalawang lingguhang report ng Pangulo sa kongreso hinggil sa ginagawa ng ehekutibo matapos itong mabigyan ng special authority para tugunan ang problema sa coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Sinabi ni Cayetano na ang report ay pormal na paraan lamang para maipabatid ang mga aktibidad ng Pangulo at hindi naman aniya sila magiging teknikal hinggil dito.
Sa ilalim ng Bayanihan To Heal As One Act ang Pangulo ay ino-obligang magsumite ng report sa kongreso kada Lunes ng bagong linggo sa mga nangyari na o ginawa na at mga gagawin pa sa ilalim ng nasabing batas.