Bumagsak sa 20.8 degrees celsius ang temperatura sa Metro Manila kaninang alas-7:00 ng umaga.
Ito, ayon kay Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Services and Administration (PAGASA) Weather Observer Munir Balomero, ay dahil sa umiiral na northeast monsoon o amihan.
Gayunman, sinabi ni Balomero na ang pinakamalamig na umaga ngayong taon ay naitala noong Miyerkules kung saan pumalo ito sa 20.0 degrees celsius.
Ayon sa PAGASA, araw-araw na minomonitor ng ahensya ang temperatura sa vicinity ng PAGASA Science Garden sa Diliman, Quezon City sa pagitan ng alas-5:00 hanggang alas-6:00 ng umaga.
Inaasahang iiral ang malamig na panahon dahil sa amihan hanggang sa kalagitnaan ng Pebrero, taong kasalukuyan.
By Jelbert Perdez