Inialis na ng pamahalaang panglungsod ng Quezon City ang ipinataw na temporary cease and desist order laban sa konstruksyon ng above-ground structure ng MRT-7 sa bahagi ng Quezon Memorial Circle.
Ito ang inanunsyo ni Quezon City Mayor Joy Belmonte matapos na aprubahan ng mga opisyal ng lungsod ang bagong disensyo na ipiniresenta ng EEI at San Miguel Corporations, ang mga contractor ng proyekto.
Ayon kay Belmonte, mula sa dating 11,000 square meters na sukat sana ng above ground structure, binawasan ito at ginawa na lamang 426 square meters.
Habang ibinaba na rin sa anim na metro ang taas ng istraktura mula sa dating 12 metro.
Dahil aniya rito, hindi na mahaharangan ng MRT-7 ang tanawin sa mausoleum ni dating President Manuel Quezon.
Ikinalugod naman ni Belmonte na pinakinggan at binigyang kunsiderasyon ng mga contractor ng MRT-7 ang kanilang hinaing.