Iminungkahi ni Sen. Nancy Binay na pansamantalang ipasara muna ang Dolomite Beach habang wala pang maayos na regulasyon at sistema ang DENR.
Ayon kay Senator Binay, nakakagulat lang na habang ang ating mga frontliner sa health sector ay ginagawa ang lahat ng paraan para makontrol ang hawaan sa COVID variant, mayroon namang nag-oorganisa ng ganitong event o naghihikayat na pasyalan ng publiko pero bigo namang pangasiwaan ang pagdagsa ng tao bagay na maaaring magresulta sa mabilis na community transmission.
Ang pagdagsa anya ng publiko sa Dolomite Beach at mga park ay maaaring gamiting basehan ng National at Local Government para pag-isipan kung paano magkakaroon ng green at open spaces na angkop mapasyalan ng publiko sa ilalim ng new normal
Ang isang pinag-isipan umano na urban planning para sa green at open spaces na may kaakibat na health protocol ay mahalaga sa paglikha ng magandang kapaligiran sa loob at labas ng siyudad at makatutulong sa pagsusulong at kapakanan ng public health.—mula sa ulat ni Cely Bueno (Patrol 19)