Hiniling ng grupong Samahang Industriya ng Agrikultura (Sinag) sa pamahalaan na pansamantalang ipatigil ang pag-angkat ng karne ng baboy sa ibang bansa.
Ginawa ni Engineer Rosendo So, chairman ng Sinag, ang panawagan matapos kumpirmahin ng Department of Agriculture (DA) na nakapasok na sa bansa ang African Swine Flu (ASF).
Ayon kay So, pansamantala lamang naman ang kanilang kahilingan hanggang sa matiyak na mapupuksa na ang virus na naging dahilan para patayin ang mahigit sa 7,000 baboy sa Rizal at Bulacan.
Sinabi ni So na bagamat wala pang 5% ng hog industry ang naapektuhan ng ASF, nakababahala pa rin ito dahil apektado rin ang iba pang industriya tulad ng corn, sugar at coconut industry na pinagmumulan ng mga sangkap sa paggawa ng feeds o pagkain ng baboy.