Pang-world class at hindi lang basta-basta ang gagawing temporary shelters para sa mga naapektuhan ng bakbakan sa Marawi City.
Iyan ang pagtitiyak ng Department of Public Works and Highways o DPWH kasunod na rin ng marching orders sa kanila ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Sinabi sa DWIZ ni DPWH Spokesperson Usec. Karen Jimeno, mas matibay aniya ang mga itatayong temporary shelters para sa mga bakwit habang inihahanda ang permanenteng bahay ng mga ito.
Kasunod nito, tiniyak ni Usec. Jimeno na magtutuluy-tuloy ang mga nakalatag nang plano para sa rehabilitasyon ng Marawi tulad ng inaprubahang plano para sa mga nasalanta ng super bagyong Yolanda sa Leyte.
First phase
Samantala, target ng pamahalaan na agad matapos ang lahat ng kalsada sa relocation site sa Marawi City matapos ang limang buwang bakbakan sa pagitan ng militar at ng teroristang Maute group.
Partikular na tinukoy ni DPWH Secretary Mark Villar ang lahat ng road network na nasa Barangay Sagonsongan sa Nobyembre 25 o bago matapos ang buwan.
Meron na rin aniyang ipinakalat na mga kagamitan sa naturang lugar ang DPWH Provincial Engineering ng Lanao del Sur para tumulong sa pagtatayo ng mga transitional shelters.
(Balitang 882 Interview)