Umakyat na sa pinakamataas na lebel ang tensyon sa pagitan ng Israel at Syria matapos ang pagpapabagsak ng Syrian Armed Forces sa fighter jet ng Israeli Air Forces.
Ibinabala ni Israeli Prime Minister Benjamin Netanyahu na hindi nila titigilan ang pag-atake sa mga Syrian at Iranian target bilang ganti sa pagpapabagsak ng isa sa kanilang F-16 fighter jet, noong Sabado.
Nangangahulugan ito na maaaring pumasok sa panibagong serye ng digmaan ang Syria bukod pa sa nagpapatuloy na civil war depende sa magiging sitwasyon.
Sa pagkakataong ito ay hindi na ISIS o mga rebeldeng grupo ang kalaban ng Syria at Iran kundi ang Israel, isa sa pinaka-makapangyarihan, maimpluwensya at pinaka-malapit na kaalyado ng Estados Unidos.
Nananawagan na ang Russia, na kaalyado ng Syria at Iran maging ang Amerika sa magkabilang-panig na huwag gumawa ng hakbang na maaaring maging mitsa ng mas malaking kaguluhan sa Gitnang Silangan.
—-