Siniguro ng Amerika na gagawa ito ng mga hakbang upang mabawasan ang tumitinding tensyon sa Taiwan Strait at matiyak ang kaligtasan ng buong rehiyon kasama na ang Pilipinas.
Sa pamamagitan nito, mapapanatili ang ligtas at maayos na paglalayag ng mga cargo vessel sa mga pangunahing karagatan na apektado ng sigalot.
Ayon kay US secretary of State Antony Blinken sa pakikipagpulong nito kay Foreign Affairs secretary Enrique Manalo via virtual joint conference, napakahalaga na masiguro ang kapayapaan at katatagan sa Taiwan Strait hindi lamang para sa Taiwan at Pilipinas kundi maging sa iba pang mga bansa.
Batid ani Blinken ang malaking epekto ng umiinit na tensyon doon gaya ng sa West Philippine Sea na isa ring critical water way aniya kaya’t dapat na makalikha ng mabisang paraan upang hindi na lumala pa ang sitwasyon.
Matatandaan na ikinagalit ng Chinese Government ang ginawang pagbisita ni US House Speaker Nancy Pelosi sa Taiwan na syang dahilan kung bakit nagsagawa ng pinakamalaking military drill ang China na nagsimula nitong nakalipas na Huwebes.