Iginiit ni dating Tourism secretary Wanda Teo na ang network company na PTV-4 ang nagbigay ng proposal sa Department of Tourism na ilagay ang advertisement ng ahensiya sa programa ni Ben Tulfo na Kilos Pronto.
Ito ay matapos kuwestiyunin ni Senate Blue Ribbon Committee Chairman Richard Gordon sa pagdinig sa Senado ang placement ad ng DOT sa Kilos Pronto sa kabila ng mababang rating ng nasabing programa.
Ayon kay Gordon, batay mismo sa rating ng PTV sa kanilang mga programa, pang-83 ang ranking ng Kilos Pronto.
Binigyang diin ni Gordon, dapat inilalagay ang advertisement sa tamang programa kung saan maaabot nito ang target market ng ahensiya gayundin sa programang may mataas na rating.
Doon sa network niya, hindi siya scorer, kung ako mapipilitan ako na mag-advertise sa number 1. Pero the second point here that I wanna say, bago ka mag-advertise doon, ano ba ang merkadong tinitingnan ninyo? Pahayag ni Gordon
Samantala, ipinaliwanag naman ni Tourism undersecretary Kat de Castro na ibinatay ng bids and awards committee ang pagpili sa paglalagyan ng mga advertisement hindi sa rating kundi kung saan mas makamumura ang ahensiya.
Basically we based it on the spots that PTV was offering to us. Lumabas naman po sa study ng bids and awards na mas makakamura po talaga sa PTV. Pahayag ni De Castro.
Food tourism project na ‘Buhay Carinderia’, sunod na tatalakayin ng Senate Blue Ribbon Committee
Ipatatawag ng Senado ang aktor at dating pinuno ng Tourism Promotions Board o TPB na si Cesar Montano.
Ito ang inihayag ni Senate Blue Ribbon Committee Chairman Richard Gordon sa pagdinig hinggil sa maanomalyang advertisement deal ng Department of Tourism sa Bitag Media na nagkakahalaga ng 60 million pesos.
Ayon kay Gordon, susunod na tatalakayin ng komite ang kontrobersiya sa ngayo’y suspendido ng food tourism project ng TPB na ‘Buhay Carinderia’.
Magugunitang, nagbitiw si Montano bilang pinuno ng TPB matapos kuwestiyunin ang pagpapalabas nito ng walumpung milyong pisong pondo para sa ‘Buhay Carinderia’ project.