Planong sampahan ng kasong pandarambong ni Senador Antonio Trillanes IV sina dating Tourism Secretary Wanda Teo at kanyang mga kapatid.
Kaugnay ito ng 60 milyong pisong advertisement deal na pinasok ng PTV at programa ng kapatid ni Teo na si Ben Tulfo sa Department of Tourism o DOT.
Ayon kay Trillanes, ang planong kaso ay kasunod na rin ng pahayag ni Ben Tulfo na hindi nito ang ibabalik ang 60 milyong piso sa pamahalaan.
Kasabay nito hinimok din ni Trillanes ang Senate Blue Ribbon Committee na aksyunan ang kanyang inihaing resolusyon para sa pagsasagawa ng imbestigasyon hinggil sa usapin.
READ: Statement of Senator Trillanes re: Ben Tulfo’s pronouncement that he won’t return the P60-M to the government. | via @blcb pic.twitter.com/ezAZMpc81p
— DWIZ Newscenter (@dwiz882) July 29, 2018
Magugunitang nag-ugat ang usapin matapos lumabas sa report ng Commission on Audit o COA na binayaran ng 60 milyong piso ng PTV 4 ang pag-aaring media production outfit ni Tulfo para sa pumasok na advertisement ng DOT sa programa nito.
(Ulat ni Cely Bueno)
Samantala, bahala na ang broadcaster na si Ben Tulfo na ibalik sa pamahalaan ang 60 million pesos na ibinayad ng Department of Tourism o DOT para sa programa nito.
Ayon kay Atty. Ferdinand Topacio, abogado ni dating Tourism Secretary Wanda Tulfo-Teo, konsensya na lamang ng TV host kung hindi ibabalik ang bayad sa placement ad na kinuwestyon ng COA, sa kabila ng naunang anunsyo ng dating kalihim na ibabalik sa gobyerno ang pera.
Sa kaniya namang social media post, hinamon ni Ben Tulfo, CEO ng Bitag Media Unlimited Incorporated na kasuhan siya dahil hinding hindi niya ibabalik ang nasabing halaga.
Iginiit ni Tulfo na ihaharap niya sa mga bumabatikos sa kaniya ang mga dokumento para patunayang lehitimo ang kontratang ibinigay sa kanila noon at marami aniya ang nakinabang dito.—Judith Larino
—-