Lumaki pa ang posibilidad na suicide bombing ang nangyaring pagpapasabog sa Our Lady of Mount Carmel Cathedral sa Jolo Sulu na ikinasawi ng dalawampu’t tatlo (23) katao.
Batay sa inisyal na resulta ng DNA analysis, hindi tumugma sa kahit isa sa dalawampu’t tatlong (23) nasawi ang dalawang pares ng paa na nakuha sa lugar ng pagsabog.
Tumugma rin sa kanilang mga kaanak ang DNA ng lahat ng nasawi at wala isa man sa mga ito ang naputulan ng paa.
Lumabas rin sa DNA analysis na ang dalawang pares ng paa ay pag-aari ng isang lalake at isang babae.
Dahil dito, lumakas ang teorya ng awtoridad na mag-asawang suicide bomber ang may kagagawan ng pagsabog.
Nakatakdang hilingin ng pulisya sa international police na i-upload ang DNA ng dalawang pares ng paa sa kanilang DNA database upang malaman kung matutukoy ang pagkakakilanlan ng mga ito.
(Ulat ni Jaymark Dagala)