Posibleng palawigin ni Pangulong Rodrigo Duterte ang termino ni Philippine National Police Chief, Gen. Dionardo Carlos na nakatakdang magretiro sa bisperas ng May 9 elections.
Ito, ayon sa Department of the Interior and Local Government, ay upang magbigay-daan sa maayos na transition period sa pagitan ng kasalukuyan at susunod na administrasyon.
Gayunman, aminado si DILG Secretary Eduardo Año na hindi pa natutugunan ni Pangulong Duterte ang issue.
Mayroon anyang dalawang opsyon ang punong ehekutibo, una ay maaaring paliwigin ang termino ng PNP Chief hanggang June 30 o magtalaga ng Officer-in-Charge hanggang sa nasabing petsa.
Sa Mayo a – 8 magreretiro si Carlos kasabay ng kanyang ika-56 na taong kaarawan, na mandatory retirement age.
Una nang tiniyak ng Malacañang na mahigpit silang tatalima sa mga kautusan laban sa “midnight appointments” lalo’t ilang linggo na lamang ang nalalabi sa termino ni Pangulong Duterte.