Nilagdaan na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pagpapalawig sa termino ng kasalukuyang Chief of Staff ng Armed Forces of the Philippines o AFP na si General Rey Leonardo Guerrero.
Inanunsyo ito ni Presidential Spokesperson Harry Roque.
Nakatakda sana sa December 17, 2017 ang mandatory retirement ni General Guerrero pero extended ang kanyang serbisyo hanggang sa April 28, 2018 o 6-buwan matapos na maupo siya sa puwesto alinsunod na rin sa Republic Act No. 8186.
Kahapon lang ay kinumpirma na ng makapangyarihang Commision on Appointments o CA ang pagkakatalaga kay Guerrero bilang AFP Chief of Staff.
Matatandaang Oktubre 26 nang pomal na i-take over ni Guerrero ang AFP isang araw matapos na pirmahan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang kanyang appointment.
Pinalitan ni Guerrero si dating AFP Chief Eduardo Año na nagretiro ngayong taon sa edad na 56.
Si Guerrero ay miyembro ng Philippine Military Academy o PMA “Maharlika” Class of 1984 at pinamunuan ang Eastern Mindanao Command sa Davao bago naupong AFP Chief.
—-