Posibleng palawigin ang anim (6) na taong termino ni Pangulong Rodrigo Duterte ‘kung kinakailangan’.
Ayon kay Senate President Koko Pimentel ito ay sa sandaling magkaroon ng ‘transitory period’ sa ilalim ng pagpapalit ng sistema ng gobyerno patungo sa pederalismo.
Gayunman, nakadepende aniya ang term extension sa ‘transitory provisions’ at kung kailan aaprubahan ang bagong konstitusyon.
Kung sa taong 2019 pa aaprubahan ang bagong saligang batas, sa susunod na tatlong taon ang transitory period.
Maaari aniyang palawigin ang termino kung pabor dito ang Pangulo lalo’t kung magiging bahagi naman ang extension ng bagong konstitusyon na aprubado ng taumbayan.
Tutol sa pagpapalawig ng termino ni PDuterte
Lumabas na umano ang tunay na intensyon ng isinusulong ng administrasyong Duterte na pederalismo.
Ito ang inihayag ni Senate Minority Floor Leader Franklin Drilon matapos aminin ni Senate President Koko Pimentel na posibleng palawigin ang termino ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Ito ay sa panahon ng transisyon patungo sa federal form of government.
Iginiit ni Drilon na mahigpit na tututulan ng Liberal Party (LP) ang naturang imoral na panukalang term extension sa ilalim ng pederalismo.