Hindi pag-uusapan sa APEC Summit ang territorial dispute sa West Philippine Sea.
Sa press briefing kahapon, sinabi ni DFA Spokesman Assistant Secretary Charles Jose na dalawa ang inilatag nilang dahilan kung bakit hindi ito tatalakayin sa nasabing summit.
Una, ito ay dahil sa may nakabinbing kaso ang Pilipinas sa International Tribunal laban sa China kaugnay ng isyu.
Ikalawa, ayon kay Jose ay hindi maganda o proper na lugar ang APEC para talakayin ang alitan sa West Philippine Sea.
Ipinabatid ni Jose na sinang-ayunan naman ito ni Chinese Foreign Minister Wang Yi at kapwa sila kumbinsido na puro may kinalaman lamang sa ekonomiya ang pag-uusapan doon kasama ang iba pang bansang kasapi ng ASEAN.
Sa kabila nito, wala naman aniyang magagawa ang Pilipinas sakaling magkusa ang ibang mga bansang kasapi na talakayin ito sa sidelines ng pagpupulong.
Bilateral Talks
Samantala, wala pang kumpirmasyon kung magkakaroon ng bilateral talks sa pagitan nina Pangulong Noynoy Aquino at Chinese President Xi Jinping sa APEC Summit sa susunod na linggo.
Sa kabila nito, sinabi ni DFA Spokesman Assistant Secretary Charles Jose na hindi naman nila sinasara ang pinto na magkakaroon ng pag-uusap ang lider ng dalawang bansa.
Idinagdag pa ni Jose na wala ring pahiwatig si Chinese Foreign Minister Wang Yi na magkakaroon ng bilateral meetings ang kanilang Pangulo at si President Aquino.
Naungkat ang isyung ito dahil nauna nang inanunsyo ng DFA na wala sa formal agenda ng APEC ang pagtalakay sa territorial disputes ng China at Pilipinas.
By Meann Tanbio | Allan Francisco
Photo from: gov.ph