Naglabas ng terrorist watchlist ang Davao City police isang araw bago ang thanksgiving party ni President-elect Rodrigo Duterte sa Crocodile Park.
Ayon kay Davao City Police Spokesperson, Chief Insp. Milgrace Driz, nakatanggap sila ng mga ulat na ilang miyembro ng Khilafa Islamiyah na may kaugnayan umano sa ISIS ang nagbabalak maghasik ng kaguluhan sa Mindanao.
Bagaman wala pang partikular na lugar sa Mindanao kung saan posibleng umatake ang nabanggit na terror group, nais anya nilang makatiyak na magiging maayos at ligtas ang event.
Kabilang sa kanilang inilatag ang paglalagay ng mga tarpaulin ng terror watchlist sa paligid ng Crocodile Park kung saan idaraos ang “Du31: One love, One Nation Thanksgiving Party.”
Ilang beses ng nasangkot sa mga pambobomba ang Khilafa Islamiyah sa Cotabato at Cagayan de Oro cities at kidnapping sa Island Garden City of Samal.
Ang grupo ay sinanay sa ilalim ng pinaslang na Jemaah Islamiyah bombmaker na si Julkifli Bin Hir alyas Marwan.
By Drew Nacino