Kinundena ng Armed Forces of the Philippines at Philippine National Police ang magkasunod na pambobomba sa isang simbahan sa Jolo, Sulu na ikinasawi na ng nasa 18 katao at ikinasugat ng 82 iba pa.
Ayon kay AFP Spokesman, Brig. Gen. Edgard Arevalo, nakikipag-ugnayan na sila sa PNP upang matukoy ang nasa likod ng pagpapasabog na itinaon ilang araw matapos ang ratipikasyon ng Bangsamoro Organic Law.
Sa panig naman ng pambansang pulisya, nagpaabot na ng pakikiramay si PNP Chief, Dir. Gen. Oscar Albayalde sa pamilya ng mga nasawi.
Tiniyak din ni Albayalde na matutunton at maaaresto sa lalong madaling panahon ang mga nagsagawa ng panibagong terrorist attack sa Sulu.
Kapwa nananawagan naman ang AFP at PNP sa mga mamamayan ng Jolo na maging mapagmatiyag at mag-ingat lalo sa mga pampublikong lugar.
Dakong alas 8:00 ng umaga nang bulabugin ng magkasunod na pagsabog ang Our Lady of Mount Carmel Cathedral sa kalagitnaan ng misa.
(with report from Jaymark Dagala)