Ipinagmalaki ni TESDA o Technical Education and Skills Development Authority Director General Secretary Guiling Mamondiong na malinis sa bahid ng korapsyon at droga ang kanilang ahensya.
Sa selebrasyon ng ika-23 anibersaryo ng TESDA na dinaluhan ni Pangulong Rodrigo Duterte, inulat din ni Mamondiong ang mga accomplishments ng TESDA simula nang maluklok ito sa posisyon noong nakaraang taon.
Kabilang dito ang barangay-based scholarship programs, OFW reintegration support program, skills training para sa mga drug dependent at para sa mga marginalized sector, skills training sa mga madrasah school system, at pag-oorganisa ng asean technical education and skills development council.
Saludo naman si Pangulong Duterte sa trabaho ni Mamondiong bilang pinuno ng TESDA, ngunit biniro niya ito na huwag naman puro trabaho ang atupagin.
Bagaman mayroong prepared speech ay hindi naiwasan ng Pangulo na iwanan ito at magbigay ng impromptu speech kung saan pahapyaw niyang tinalakay ang tungkol sa mga isyung kinakaharap ngayon ng pamahalaan kagaya ng Kadamay, NPA, Marawi siege, maging ang pagkakaalis ni dating DSWD Judy Taguiwalo sa posisyon.
By Meann Tanbio
SMW: RPE