Dalawa pang chinese aircraft ang lumapag sa Kagitingan o Fiery Cross Reef na bahagi ng Spratly Islands.
Ito’y sa kabila ng pag-alma ng Pilipinas at Vietnam na kabilang din sa mga claimant ng mga pinag-aagawang teritoryo.
Nagmula at bumalik ang mga eroplano sa Haikou City sa Island Province ng Hainan.
Nilinaw ng China na bahagi pa rin ng kanilang test flight ang pagbiyahe ng mga nasabing sasakyang panghimpapawid.
Ito’y upang masubukan ang kapasidad ng itinayong airport sa kagitingan para sa ligtas na operasyon ng malalaking civilian aircraft.
Panganiban Reef
Kasabay nito, nagtatayo na umano ang China ng submarine harbor sa Panganiban o Mischief Reef sa West Philippine Sea malapit sa Palawan.
Ito, ayon sa youth group na Kalayaan Atin Ito o KAI, matapos ang kanilang inilunsad na kilos protesta bilang bahagi ng kampanyang “freedom voyage.”
Inihayag ng grupo na hindi lamang mga Filipino kundi buong international community ang dapat mabahala sa military activities ng China sa Spratly Islands.
Gayunman, nilinaw ni Kalayaan, Palawan Mayor Eugenio Bito-onon na dapat munang beripikahin ang ulat ng KAI.
Ito’y dahil hindi naman anya malapit sa Panganiban Reef ang rutang tinahak ng grupo patungong Spratly Islands, noong Disyembre.
By Drew Nacino