Humarap na sa pagdinig ng Senado ang testigo sa pagkamatay ng 17-anyos na si Kian Loyd Delos Santos.
Sa salaysay ng testigong pinangalanang “MC”, walang nangyaring palitan ng putok sa pagitan ng mga pulis-Caloocan at ng binatilyong si Kian.
Si Kian aniya ay bitbit na ng mga pulis ng dumaan sa basketball court hanggang sa makarating sa lugar kung saan napatay ang binatilyo.
Iginiit ng testigong si MC na galing sa mga pulis ang lahat ng putok ng baril.
Positibo ring kinilala ng testigo ang mga pulis na bumaril kay Kian
“Wala pong putukang nangyari habang pababa sila, mula botika hanggang court, nagputukan na po sila nung pababa na sa amin,tinulak po si Kian sa gilid ng babuyan tapos naririnig ko si Kian na “Sir, huwag po sir,” tapos nagpaputok na yung isa , tapos yung isa, hindi ko na nakita kung saang parte ng katawan tinamaan si Kian dahil madilim sa lugar.” Ani MC
Nanindigan ang testigong si MC na taliwas sa mga akusasyon, hindi aniya tulak ng droga si Kian.
Sinabi nito na naglakas siya ng loob na tumestigo dahil sa marami na aniya ang napapatay sa kanilang lugar nang walang kalaban-laban.
“Ang mga pulis po lagi na lang dahas hindi po sa batas, marami po akong kaibigan namatay sa lugar namin pero wala pong nangyari, ilang taon na po ako ngayon, 31, bata pa lang po ako, 11 years old pa lang po ako nakatira na ako sa lugar na yun, wala pong pagbabago , mga pulis po, maraming nagpapaputok kahit maraming bata, kapag hinahabol nila nagpapaputok sila na parang walang pakialam kung may matatamaan.” Pahayag ni MC
By Ralph Obina