Ituturing ng Senate Committee on National Defense and Security na ‘credible’ o kapani-paniwala ang mga naging testimonya ng mga rebel returnees sa pagdinig kahapon ukol sa isyu ng red-tagging.
Ito, ayon kay Senador Panfilo Lacson, chairman ng naturang komite, ay hanggat hindi nakokontra at napapabulaanan ang mga isiniwalat ng mga dating rebelde laban sa ilang grupo at personahe.
Bagamat ayon kay Lacson, magsasagawa ang kanyang komite ng fact checking o aalamin nila sa ibang maaaring mapagkunan ng impormasyon kung totoo lahat ng inihayag ng mga rebel returnees at ilang pang resource persons.
Kabilang sa mga nagtestify ang dating New People’s Army (NPA) na si Jeffrey Celiz alyas ‘Ka Eric’ kung saan, kinumpirma nito ang kaso ng panggagahasa ng ilang commander sa mga nare-recruit na kabataan at pangongotong ng CPP-NPA sa malalaking kompanya at mga kontratista sa infrastructure project.
Sa ngayon, sinabi ni Lacson na tanging si dating Bayan Muna Representative Neri Colmenares ang nagpasabi na handang humarap sa susunod na pagdinig.
Base sa testimonya ni Southern Luzon Command Chief Lt. General Antonio Parlade, si Colmenares ay myiembro ng Communist Party pero hindi kasapi ng NPA. —ulat mula kay Cely Ortega-Bueno (Patrol 19)