Inilibas ngayon ng Bureau of Customs (BOC) ang mga text message ni dating Land Transportation Office (LTO) Chief Virgie Torres na sinasabing umaareglo sa nasabat na mga smuggled na asukal.
Una umanong nagtext si Torres kay Customs Deputy Commissioner Jessie Dellosa para ipakusap na i-release ang apat na container van na umano’y general mechandise na napasama lamang sa kargamento ng mga asukal.
Sinagot naman ito ni Dellosa na hindi general mechandise ang kanilang nakita sa naturang mga container van kundi mga de lata.
Sa kabila nito, iginiit pa rin ni Torres na mai-release ang kargamento na hindi na ni-replyan pa ng opisyal.
Samantala, lumutang naman si ret. Gen Willie Tolentino, Special Assistant ng Customs Intelligence Group para linawin na hindi ginamit ni Torres ang pangalan ng Pangulo nang humarap ito para aregluhin ang kargamento.
Isa lang aniya ang malinaw sa kanilang naging usapan, ito ay ang sangkot si Torres sa sugar smuggling kasunod na rin ng ginawa nitong pag-amin na sya ang nagmamay-ari ng naturang kargamento kasosyo ang isang Philip Sy.
Una nang pinabulaanan ni Torres ang akusasyon, katwiran ng dating opisyal ng LTO ang ginawa niya sa Customs ay hindi para umareglo bagkus ay para nagtatanong lamang sa status ng kargamento.
By Rianne Briones