Pinaalalahanan ng pamahalaan ang publiko na mag-ingat laban sa illegal text scheme na nagsasabing mayroon silang ibinibigay na libreng subscription ng netflix habang ipinatutupad ang lockdown dahil sa banta ng COVID-19.
Ginawa ng gobyerno ang babala, sa pamamagitan ng National Telecommunications Commission (NTC) kung saan nagpadala ito ng advisory sa lahat ng phone subscribers pasado 4:00 ng hapon, kahapon.
Hindi na nagbigay pa ng karagdagang detalye ang ahensya kaugnay sa umano’y kumakalat na text scam.
Sa kasalukuyan, ginagamit ng NTC ang text services upang maipaalam sa publiko ang mga advisory na inilalabas ng Department of Health (DOH) patungkol sa COVID-19, kabilang na ang mga tip kung ano ang mga dapat na gawin para mas maging makabuluhan ang Holy Week habang nasa enhanced community quarantine ang buong Luzon at ibang panig ng bansa.