NANAWAGAN sa pamahalaan ang isang think tank na mag-invest sa technology at security experts para sa laban nito kontra fraudsters dahil hindi anila sapat ang ‘palakasin’ lamang ang SIM registration law.
Ayon sa Stratbase ADR Institute, ang mga kriminal na namamayagpag sa online world at ine-enjoy ang kapangyarihan ng ‘anonymity’ ang sinasabing resulta ng kabiguang ipatupad ang mga umiiral na regulasyon.
“This is why we believe that merely amending the SIM Card Registration Act, specifically by putting a cap on the number of SIMs any individual can own and register, is not enough to stop the nefarious activities of these scammers,” sabi ni Stratbase President Prof. Dindo Manhit.
Iginiit ni Manhit na ang panukala ng Senado na palakasin ang SIM registration law ay mangangailangan sa huli ng mas mahusay na pagpapatupad ng batas na siya talagang kailangan nito.
Paliwanag naman ni Department of Information and Communications Technology (DICT) Spokesperson at Assistant Secretary Renato ‘Aboy’ Paraiso, ang mga scammer ay gumagamit ngayon ng internet-based messaging platforms para sa mga krimen tulad ng Viber at Messenger, at gumagamit din ng foreign sims.
“Fraudsters are a threat not only to individuals, all business enterprises, and government institutions. This problem demands solutions that are deliberate and decisive, and this can be achieved by more effective enforcement rather than by adding to the list of items to enforce,” wika pa niya.
Giit ng Philippine National Police (PNP), ang bilang ng cybercrimes ay tumaas ng 21.8 percent sa first quarter ng 2024, kumpara sa kaparehong panahon noong 2023.
Isiniwalat naman ng American cybersecurity company Palo Alto Networks na ang Pilipinas ay nakaranas ng pinakamaraming cyberattacks sa Southeast Asian region noong 2023 kumpara sa mga karatig-bansa.
Sabi naman ng DICT na mayroon lamang 200 Filipino cybersecurity experts kumpara sa 2,000 ng Singapore, dahil karamihan sa mga eksperto ay nagtatrabaho sa ibang bansa.
Samantala, binigyang-diin ng National Association of Data Protection Officers of the Philippines (NADPOP) na ang bansa ay nangangailangan ng 180,000 cybersecurity professionals upang saklawin ang critical areas ng Philippine industries.
Kasabay nito, hinimok ni Sen. Win Gatchalian ang DICT na ituring ang cyber security bilang national concern.