Naging mainit ang talakayan sa pagitan ng mga mahistrado ng Korte Suprema at ng Commission on Elections o COMELEC.
Ito’y sa ikatlong bugso ng oral arguments na may kinalaman sa disqualification case laban kay Senadora Grace Poe hinggil sa usapin ng citizenship at residency.
Ayon kay Supreme Court Chief Justice Maria Lourdes Sereno, nakapailalim sa umiiral na batas ang lahat ng mga batang pulot sa bansa at ipinapalagay na sila’y Filipino citizens lalo’t hindi naman natagpuan ang kanilang biological na magulang.
Inihalimbawa pa ni Sereno ang jurisprudence ng Tecson vs COMELEC kung saan, maituturing na Filipino citizen ang ama ni Senadora Grace na si Fernando Poe Jr. kahit pa tanging death certificate lamang ng kanyang lolo na si Lorenzo ang naipakita noong 1984 dahil wala itong birth certificate.
Ngunit ayon kay COMELEC Commissioner Arthur Lim, saklaw lamang ng nasabing desisyon ang adoption sa mga foundling at hindi para sa mga batang walang umampon at hindi napatunayan ang citizenship ng magulang.
Binigyang diin ni Lim, pagkatao lamang ni Poe na tumatakbo sa pinakamataas na posisyon sa gobyerno ang pinag-uusapan at hindi ang kaso ng mga foundling sa kabuuan.
COMELEC
Nanindigan ang Commission on Elections o COMELEC na hindi na-re-establish ni Senadora Grace Poe ang kanyang residency kaya’t wala itong karapatang tumakbo sa pinakamataas na posisyon sa gobyerno.
Ito ang inihayag ni COMELEC Commissioner Arthur Lim sa ikatlong bugso ng oral arguments ng Korte Suprema kaugnay sa kasong disqualification na isinampa laban kay Poe.
Binigyang diin ni Commissioner Lim na nagdesisyon si Poe na manirahan sa bansa noong Hulyo ng taong 2006 at nagpasyang ire-aquired ang kanyang Filipino citizenship.
Ngunit sa kanyang interpellation, inihayag ni Associate Justice Mariano del Castillo na kumuha ng tax identification number o TIN ID si Poe at nagparehistro sa COMELEC bilang botante noon pang 2005.
Sagot naman ni Lim, bagama’t matagal naninirahan sa bansa si Poe, hindi ito aniya nangangahulugan na nare-establish na nito ang kanyang pagka-Filipino dahil hindi naman nito tinalikuran ang kanyang American citizen.
Dahil dito, iginiit ni Lim na walang bisa ang mga kinuhang dokumento ni Poe sa pamahalaan ng Pilipinas.
Hindi aniya sapat ang tagal ng pananatili sa Pilipinas ng isang tao kung hindi naman nito tinatalikurang ganap ang pagiging citizen nito ng ibang bansa.
By Jaymark Dagala | Bert Mozo (Patrol 3)