Hinimok ng Confederation of Truckers Association of the Philippines (CTAP) ang pamahalaan na alisin na ang mga “Unnecessary charges” o singil sa truckers.
Ito’y upang mabawasan ang kanilang pasanin lalo’t posibleng humantong sila sa pansamantalang tigil-operasyon sa gitna ng walang prenong pagtaas ng presyo ng krudo.
Ayon kay CTAP President Maria Zapata, lumalaki na ang kanilang gastos dahil sa krudo kaya’t may ilang truckers na napipilitang magpahinga muna o pansamantalang tumigil sa operasyon.
Maaari naman anyang maibsan ng pamahalaan ang pasanin ng mga trucker sa pamamagitan ng pagtanggal sa mga ilang singil, tulad ng truck accreditation mula sa government agencies at passing fees.
Ipinunto ni Zapata na mababawasan ng P70,000 pesos ang gastos ng kada buwan ng isang unit kung mawawala ang mga nasabing singil.