Nagbabala ang isang grupo ng mga school bus operators na magsasagawa sila ng tigil-operasyon sa unang araw ng klase o sa Hunyo 13.
Ayon sa grupo, hindi sila maghahatid ng mga estudyante dahil susugod sila sa tanggapan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board o LTFRB sa Quezon City.
Ito’y upang ihirit sa LTFRB ang pagpapalawig sa moratorium sa pag-phase-out ng mga school service vehicles na bumibiyahe ng 15 taon o higit pa.
LTFRB
Iginiit ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board o LTFRB na hindi na nila palalawigin ang moratorium sa pag-phase-out ng mga lumang school service vehicles.
Ayon kay LTFRB Board Member Ariel Inton, nabigyan na ng sapat na panahon ang mga school shuttle drivers at operators para makapag-upgrade ng kanilang mga sasakyan.
Dahil dito, binigyang diin ni Inton na hindi na kailangan pang i-extend ang moratorium dahil noon pang taong 2013 inisyu ang memorandum circular hinggil sa naturang usapin.
Aniya, sapat na ang 10 buwang palugit na ibinigay nila sa mga school bus operators para mapalitan ang mga luma nilang sasakyan.
By Jelbert Perdez