Umarangkada na ngayong Lunes ang dalawang araw na tigil-pasada ng iba’t ibang transport group sa pangunguna ng Stop and Go Coalition.
Ito’y bilang bahagi pa rin ng kanilang pagtutol sa hakbangin ng pamahalaan hinggil sa modernisasyon sa sektor ng transportasyon sa bansa.
Kasunod nito, kasado na rin ang mga paghahanda ng pamahalaan para tiyaking hindi mapeperhuwisyo ang mga pasahero’t motoristang maaapektuhan ng tigil-pasada.
Ayon kay Celine Pialago, tagapagsalita ng MMDA o Metropolitan Manila Development Authority, may pitong lugar aniya silang itinalaga para sa libreng sakay na iaalok sa mga apektadong pasahero na tinawag nilang Kalayaan Rides.
Partikular dito ang lugar ng Monumento-Caloocan sa harap ng MCU Southbound; SM Marikina; Luneta Parade Grounds; HK Sun Plaza Swipt, Pasay City; UP Technohub sa Quezon City; MMDA parking lot sa Makati at ang kampo Aguinaldo sa Quezon City.
Other agencies
Babantayan naman ng HPG o Highway Patrol Group ng Pambansang Pulisya ang mga manghaharang na tsuper ng jeepney sa kanilang mga kasamahan para sumali sa ikinasang tigil-pasada ngayong araw.
Ito’y kasunod ng ikinasang tigil-pasada ng grupong Stop & Go Coalition simula alas-6:00 ngayong umaga na inaasahang tatagal hanggang bukas, Setyembre 26.
Ngunit batay sa naging monitoring ng LTFRB o Land Transportation Franchising and Regulatory Board, hindi makikiisa sa tigil-pasada ang ilang transport group sa regions 4-A, 9, 10 at 11.
Gayunman, tiniyak ni LTFRB Board Member at Spokesperson Atty. Aileen Lizada na patuloy silang nakabantay gayundin ang mga operatiba ng MMDA at ng NCRPO o National Capital Region Police Office.
Ayon kay Lizada bukod sa 70 mga bus na nakaantabay ay mayroong ding aabot sa 20 hanggang 30 government vehicles ang ilalaan para sa mga pasaherong maaapektuhan ng strike.
70 buses nakaantabay para sa mga maaapektuhan ng tigil-pasada; 10 buses per staging area | via LTFRB pic.twitter.com/IAlJ9WTS6a
— DWIZ Newscenter (@dwiz882) September 24, 2017
Suspension of classes
Nagkansela na ng klase ang ilang mga paaralan dahil sa nakatakdang transport strike ngayong araw.
Kabilang sa nagsuspendi ng klase ay Malabon City sa lahat ng antas sa pampubliko at pribadong paaralan, University of the East Caloocan at Manila Campus mula Kinder hanggang Grade 12.
Wala na ring pasok sa lahat ng antas sa pampubliko at pribadong paaralan sa Baliwag, Bocaue, Marilao, Malolos, San Jose del Monte at Sta. Maria sa Bulacan.
Samantala, suspendido na rin ang trabaho sa City Hall ng Malolos ngayong araw.
—-