Halos limanlibong (5,000) sundalo, pulis at traffic personnel ang idineploy para sa malawakang transport strike ngayong araw.
Ayon sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), walumpu’t limang (85) sasakyan, limampung (50) motorsiklo at dalawang (2) vessels ang magkakaloob ng libreng sakay sa mga pasahero maaaring maipit.
Magbibigay din ng diskwento sa pasahe ang tinatayang isandaang (100) pribadong bus.
Itatalaga ang mga ito sa mga pangunahing kalsada sa Metro Manila gaya sa EDSA at Commonwealth Avenue.
Una ng ibinabala ng LTFRB na sususpendihin ang mga public utility vehicle na lalahok sa strike bilang protesta sa anumang desisyon ng gobyerno.
MMDA
Nag-deploy din ng mga sasakyan ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) bilang bahagi ng contingency measures sa malawakang kilos-protestang mga transport group na kontra sa ikinakasang jeepney modernization program.
Ayon kay MMDA acting General-Manager Tim Orbos, naka-standby na ang alternatibong masasakyan ng mga ma-i-stranded na pasahero.
Magpapadala rin anya ang gobyerno ng mga bus at 6 by 6 trucks at mga personnel upang tiyakin ang maginhawang biyahe ng publiko.
Pangungunahan ng grupong Stop and Go Coalition ang transport strike na lalahukan umano ng libu-libong jeep at UV Express vehicles sa buong bansa.
Samantala, maaaring umabot pa hanggang bukas ang tigil-pasada ng grupong Stop and Go Coalition.
Sinabi ni Jun Magno, Presidente ng Stop and Go Coalition na bagamat labag sa kanilang loob kailangan nilang ihinto ang pagpasada para maiparating sa pamahalaan ang kanilang pagtutol sa planong phase out ng mga jeep.
Kaninang madaling araw ay sinimulan na ng koalisyon ang kanilang tigil-pasada.
Bahagi ng pahayag ni Mr. Jun Magno ng Stop and Go Coalition
By Drew Nacino | Katrina Valle | Balitang Todong Lakas (Interview)