Dagsa na ang mga biyahero sa Araneta Center Bus Station sa Cubao para makauwi sa kani-kanilang mga probinsya ngayong Kapaskuhan.
Gayunman, ayon sa ulat, nagkakaubusan na ng ticket patungong Visayas partikular ang biyaheng northern Samar, Tacloban, Roxas, Capiz, Masbate at iba pa.
Ilan sa mga pasahero ang noon pa sana bibili ng ticket ngunit hindi anila pinapayagan ang reservation at pinayuhan ang mga ito na pumunta na lamang ng maaga.
Samantala, nagsimula na ring humaba ang pila sa bilihan ng ticket patungong Iloilo at Bicol dahil sa sold out na ang ticket ng airconditioned buses habang mayroon pa namang mga biyahe ang mga ordinary bus.
Samantala, nakahanda na ang Highway Patrol Group (HPG) sa pagbabantay sa kahabaan ng EDSA ngayong Kapaskuhan.
Ayon kay PNP-HPG Director Chief Superintendent Arnold Gunnacao, partikular sa kanilang tinututukan ang mga bus terminal dahil sa inaasahang pagdagsa ng mga taong magbibyahe pauwi sa mga probinsya.
Maasahan din aniyang buong puwersa ng PNP-HPG ang siyang nakabantay upang gawing maayos at ligtas ang kalsada.
By Ralph Obina | Rianne Briones | Ratsada Balita