Lalo pang lumalakas si Senador Grace Poe bilang kandidato sa pagka-Pangulo dahil sa patuloy na pambabatikos sa kanya.
Pananaw ito ni Atty. Romy Macalintal, isang election lawyer sa muling paglutang ng mga isyung kumukuwestyon sa pagiging Pilipino ni Senador Poe.
Ayon kay Macalintal, habang binabatikos si Poe ay lalo itong nakakakuha ng simpatiya sa mga mamamayan.
Maganda rin aniyang istratehiya na tila urong-sulong pa rin hanggang ngayon sa kanyang pagtakbo bilang Pangulo si Poe.
“Maganda ‘yung ganyan na nakabitin ng konti dahil lagi pa siyang napag-uusapan at nagkakaroon pa ng underdog image, dahil diyan ay nagkakaroon pa ng simpatiya sa taong bayan sapagkat lumalabas na wala pa siyang ambisyon, although andun ‘yung paghahanda sakali man.” Pahayag ni Macalintal.
Citizenship issue
Samantala, ipinagdiinan din na walang problema sa pagiging Filipino citizen ni Senator Grace Poe.
Sa panayam ng DWIZ, nilinaw ni Atty. Romulo Macalintal na dahil sa isang lugar sa Pilipinas nakuha ang senadora ay masasabing Pinoy ang mga magulang nito.
Giit ni Macalintal, sa mga nagsasabing hindi tunay na Pilipino si Poe ay dapat ang mga ito ang magpatunay dito.
Sa ilalim aniya ng election law ay hindi naman pinag-uusapan ang residence kundi ang domicile ng isang kandidato.
“Ang ibig sabihin ng domicile na kahit na nasa ibang bansa ka basta’t naroon ang iyong intensyon o pagbabalak na ika’y babalik sa Pilipinas balang araw ay hindi nawawala ang iyong residency.” Pahayag ni Macalintal.
By Len Aguirre | Jelbert Perdez | Ratsada Balita