Dumipensa ang Department of Transportation and Communications (DOTC) sa tila paghuhugas kamay na naman ng Aquino administration sa problema sa transportasyon lalo na sa Metro Rail Transit (MRT) 3.
Ayon kay DOTC Secretary Joseph Emilio Abaya, hindi naman masisisi ang Pangulong Noynoy Aquino na ipaliwanag ito sa kanyang State of the Nation Address dahil masalimuot ang nagisnan nilang problema sa MRT 3 noong 2010.
Gayunman, ang mahalaga aniya ay kumikilos ang pamahalaan para tugunan ang lahat ng problema na magsisimula sa pagdating sa bansa ng mga tren sa buwan ng Agosto.
“Pagkakataon ‘yun na ipaliwanag din sa buong bansa na masalimuot din ang aming nagisnan sa MRT-3, pero ang mas mahalaga sa ating mga pasahero ay gumagalaw na ang ating pamahalaan para ayusin ang MRT 3, yung prototype darating sa susunod na buwan, upgrading ng signalling system at pagkakabit ng mga bagong riles.” Ani Abaya.
Mar pa rin
Posibleng kumibinsido na ang Pangulong Noynoy Aquino na si DILG Secretary Mar Roxas lamang ang makapagpapatuloy sa kanyang sinimulan na daang matuwid sa larangan ng pamamahala.
Ito ang nakikitang dahilan ni DOTC Secretary Joseph Emilio Abaya kaya’t tila iniendorso na ng Pangulo sa kanyang State of the Nation Address si Roxas.
Ayon kay Abaya, naniniwala sila sa Liberal Party na tanging si Roxas lamang ang mayroong direksyon na ituloy ang daang matuwid na nasimulan ng Pangulo.
“Kumbinsido ako na si Secretary Roxas ang nararapat na mamuno sa ating bansa, siya ang may kapasidad, kakayahan, integridad, moralidad at direksyon upang ipagpatuloy ang daang matuwid. Ang mahalaga sa atin ay maipagpatuloy natin ang Daang Matuwid.” Dagdag ni Abaya.
By Len Aguirre | Kasangga Mo Ang Langit