Kaduda-duda para kay senator Ronald Bato Dela Rosa ang timing ng pagkamatay ng sinasabing middleman mula sa New Bilibid Prison na sangkot umano sa pagpaslang sa broadcaster na si Percy Lapid Mabasa.
Ayon kay senator Dela Rosa bagamat sa autopsy report ay sinasabing heart hemorrage ang sanhi ng pagkamatay ng umano’y middleman na si Jun Globa Villamor, pero kaduda duda na namatay ito ilang oras matapos iprisinta sa media ang sumukong confessed gunman na si Joel Escorial.
Giit ni Dela Rosa kahit na ordinaryong tao ay magdududa sa timing ng pagkasawi ng itinurong middleman na nasa loob ng bilibid.
Bagamat malaking dagok sa imbestigasyon ang pagkamatay ng umanoy middleman pero tiwala si Dela Rosa na may magagawa pa ang PNP sa imbestigasyon para matukoy anng mastermind sa pagpaslang kay Lapid.
Sa tingin ni Dela Rosa hindi masisi ang PNP sa nangyari sa middleman dahil wala ito sa kanilang kostodiya.
Hindi naman anya maaaring basta pumasok ang mga Pulis sa NBP para mag inspeksyon bukod pa sa noong una ay itinanggi ng NBP na nasa loob ng bilibid ang umano’y middleman na si Villamor.