Kinuwestyon ng grupo ng manggagawa ang timing ng pagpapalabas ng National Economic Development Authority o NEDA sa pag-aaral na puwedeng makabuhay ng lima kataong pamilya ang sampung libong piso (P10,000) kada buwan.
Ayon kay Renato Magtubo, tagapangulo ng Partido Manggagawa, tila isinabay ito ng NEDA sa paghahain nila ng petisyon para sa umento sa sahod.
Tinawag na palusot ni Magtubo ang paliwanag ng NEDA na hypothetical lamang ang inilabas nilang datos upang ipaliwanag ang epekto ng inflation sa sampung libong pisong (P10,000) kita.
“Marahil ay umatras na sila diyan sa kanilang kuwentahan at pagpapahayag dahil sa negatibong reaksyon, pero ang pag-aralan doon ay ‘yung mensahe sa likod ng kanilang deklarasyon na kumbaga ang minimum wage earner sa ngayon ay puwede pang isalba ang kanilang sarili, kasi sobra-sobra pa sa P10,000 ang minimum wage sa Metro Manila kaya kapag humingi man sila ng dagdag suweldo ay siguro konti lang, may ganung mensahe doon kaya kami nagtataka sa timing ng kanilang deklarasyon.” Ani Magtubo
Ayon kay magtubo, batay sa kanilang pag-aaral, aabot sa isang libo tatlong daang piso (P1,300) kada araw ang kailangan ng lima kataong pamilya para mabuhay ng disente.
Sa kasalukuyan aniya mahigit sa limandaang pisong (P500) minimum wage kahit parehong may trabaho ang mag-asawa ay hindi pa makakasapat.
“May epekto ‘yan sa hinaharap sa ating labor force, kasi kapag mahina ang gastusin sa kalusugan, sa pagkain, may epekto ‘yan sa paglaki mentally at physically ng susunod na henerasyon ng labor force, so ‘yun ang magiging epekto at mahirap ‘yang gamutin.” Pahayag ni magtubo
(Balitang Todong Lakas Interview)