Kinuwestyon ni PNP Chief, Dir. Gen. Ronald Dela Rosa ang timing ng paglabas ng report ng Reuters hinggil sa sadyang pagpatay umano ng mga nakasibilyang pulis sa tatlong hinihinalang drug suspect sa barangay 19, Tondo, Maynila, noong October 11.
Ipinunto ni Dela Rosa na kung October 11 pa nangyari ang operasyon ay bakit ngayon lang ito inilabas ng Reuters kung kailan inanunsyo ang pagbabalik ng P.N.P. sa war on drugs at idenedepensa nila sa Korte Suprema ang Oplan Double Barrel.
Ayon kay Bato, halatang halata na may mga grupo o indibidwal talaga na tutol sa kanilang pagbabalik sa sa kampanya kontra iligal na droga.
Nanindigan naman si Manila Police District Director, Chief Supt. Joel Coronel na na-a-ayon sa police operational procedure ang ikinasang anti- drug operation ng kanyang mga tauhan at katunayan ay may kasama pa noon na mga barangay official nang isagawa ang operasyon.
Sa kabila nito, tiniyak ng M.P.D. na iimbestigahan nila ang kontrobersyal na operasyon at sasampahan ng kaso ang mga sangkot na pulis oras na mapatunayang may paglabag ang mga ito.