Kinuwestiyon ng Liberal Party ang timing sa pagpapalabas ng draft report ng Blue Ribbon Committee sa isyu ng Dengvaxia dengue vaccine.
Ito, anila ay sa kabila nang hindi pa pirmado ng mga miyembro ng komite ang nasabing report at hindi pa rin naihahain at na-isponsoran sa plenaryo.
Ayon kay Liberal Party Vice President for External Affairs Erin Tañada, maaaring hakbang aniya ito para pagtakpan at mailihis ang atensyon ng publiko sa mga kontrobersiyang kinasasangkutan ng administrasyon.
Tulad na lamang aniya ng utos ni Pangulong Rodrigo Duterte na madaliin ang impeachment complaint laban kay Chief Justice Maria Lourdes Sereno, pagpapasara ng Boracay at pagtaas ng presyo ng mga bilihin at serbisyo.
Iginiit naman ni Senate Deputy Minority Leader Bam Aquino, malinaw sa isinagawang presscon ni Blue Ribbon Committee Chairman Richard Gordon na wala pang napatutunayang may batang namatay dahil Dengvaxia vaccine.
Samantala, duda naman si Ifugao Representative Teddy Baguilat sa pagiging patas ng report na ipinalabas ni Gordon na nakatuon lang aniya sa nakaraang administrasyon.
Naniniwala naman si Senate Committee on Health Chairman JV Ejercito na guilty si dating Pangulong Noynoy Aquino sa negligence o kapabayaan.
Kaugnay ito sa aniya’y hindi maingat na pag-apruba ng dating Pangulo sa pagbili ng kontrobersiyal na bakuna sa dengue na Dengvaxia.
Ayon kay Ejercito, isang failure of leadership sa panig ni dating Pangulong Aquino ang padalos-dalos nitong pasiya na ituloy ang pagbili ng Dengvaxia vaccine.
Samantala, itinuturing naman ni Ejercito sina dating Health Secretary Janette Garin at dating Budget Secretary Butch Abad bilang principal conspirator sa nasabing kontrobersiya.
Paliwanag ni Ejercito, ito ay dahil si Garin ang nagrekomenda ng sa pagbili ng Dengvaxia kahit hindi pa nasusubukan ang kaligtasan nito habang si Abad ang nagrekomenda at nag-apruba para sa mabilis na pagpapalabas ng pondo para bilhin ang nasabing bakuna.
(Ulat ni Cely Bueno)