PORMAL nang ipinagharap na ng reklamo ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) sa Makati City Prosecutor’s Office ang tinaguriang “Poblacion Girl” na si Gwyneth Chua at 7 iba pa.
Ito’y dahil sa paglabag nila sa Quarantine rules sa ilalim ng Republic Act 11332 o ang Mandatory Reporting of Notifiable Diseases and Health Events of Public Health Concern Act.
Maliban kay Gwyneth, dawit din sa reklamo ang mga magulang nito na sina Allan at Gemma Chua gayundin ang kaniyang nobyo na si Rico Atienza.
Ayon pa kay P/Col. Randy Silvio, Team Leader ng CIDG na naghain ng reklamo, kasama rin sa mga kinasuhan and Resident Manager ng Berjaya na si Gladiolyn Biala, Assistant nitong si Den Sabayo at Security Manager na si Tito Arboleda.
Kasama rin sa reklamo ang Security/Doorman ng hotel na si Esteban Gatbonton at ang Front Desk/Counter Personnel na si Hannah Araneta
Hindi naman kinasuhan ng CIDG ang mga close contact ni Gwyneth sa halip ay hinikayat nila ang mga ito na maghain din ng reklamo laban sa dalaga.