Pinawalang sala ng Court of Appeals (CA) si Janet Lim Napoles sa kasong serious illegal detention na isinampa ng whistleblower na si Benhur Luy.
Sa inilabas na desisyon ng CA 12th Division pinaboran nito ang apela ni Napoles at binalewala ang naunang desisyon ng Makati Regional Trial Court na nagkasala si Napoles.
Ayon sa CA, hindi napatunayan ng prosecution na beyond reasonable doubt o walang kaduda-duda na nagkasala nga si Napoles.
Si Napoles kasama ang kanyang kapatid na si Reynald Lim ay inakusahan ng sapilitang pagpigil o pagkulong kay Luy mula December 20 , 2012 hanggang March 22, 2013 upang mapigilan itong ibunyag ang kanyang mga nalalaman sa Pork Barrel Scam.
Reclusion perpetua ang hatol ng Makati RTC kay Napoles samantalang hindi na nabasahan ng sakdal si Lim dahil hindi pa ito natatagpuan hanggang sa ngayon.
Bagamat naabwelto sa kaso, mananatili sa kulungan si Napoles dahil sa kanyang mga nakabinbing kaso ng plunder sa Sandiganbayan na pawang non-bailable offense.
Gov’t at kampo ni Napoles walang ‘Sweetheart Deal’
Walang “Sweetheart Deal” ang gobyerno sa kampo ni Pork Barrel Scam Queen Janet Lim Napoles kapalit ng pagka-absuwelto ng kaso nitong serious illegal detention.
Inihayag ito ni Chief Presidential Legal Counsel, Atty. Salvador Panelo sa harap ng agam-agam na posibleng may kapalit ang pagbaligtad ng desisyon ng kaso ni Napoles sa Court of Appeals o CA.
Ayon kay Panelo, kailanma’y hindi gagawin ng Duterte administration na pumasok sa isang kasunduan kahit kanino man.
Binigyang-diin ni Panelo na masyadong istrikto ang gobyerno sa Rule of Law at sumusunod sila sa proseso ng due process.
Iginagalang din anya ng Palasyo ang naging desisyon ng Court of Appeals na pagpawalang-sala kay Napoles.
Kasabay nito sinabi ni Panelo na hindi apektado ang plunder cases ni Napoles na nakabinbin sa ibang Korte kahit pa nakalusot ito sa kasong serious illegal detention.
By Len Aguirre |With Report from Bert Mozo