Pinag-iinitan ngayon sa United Kingdom ang Recto University o ang pagawaan ng pekeng dokumento sa lungsod ng Maynila.
Ito’y makaraang isapubliko ni British Journalist Stephen Wright ang nabili niyang degree certificate, police clearance para makapagtrabaho sa ibayong dagat, employment certificate, at references lahat sa halagang 43 British pounds o halos P3,000 piso.
Giit ni Wright, sinubukan niyang kumuha ng pekeng diploma sa Recto matapos mapansin ng mga otoridad sa UK na merong ilang discrepancies o pagkakaiba sa mga credentials ni Victorino Chua, ang Pilipinong nurse na hinatulang guilty sa pagpatay ng dalawa at paglason ng hindi bababa sa 20 pasyente sa Stepping Hill Hospital sa Stockport.
Hindi pa malinaw kung sa Recto nakuha ni Chua ang ilang kinakailangang dokumento upang makapag-apply bilang nurse sa UK.
Kaugnay nito, nababahala si dating North West Chief Prosecutor Nazif Afzal kung posibleng nakuha ng ilan sa 30,000 Filipino nurses sa nasabing bansa ang kanilang requirements sa nabanggit na lugar o kung ilang hindi kwalipikadong banyaga ang nagtatrabaho sa mga ospital doon.
By Kevyn Reyes