Pinakakansela ni Chief Presidential legal counsel at dating Senate President Juan Ponce Enrile, ang lahat ng negosyo sa Pilipinas at huwag bigyan ng permit ang tinaguriang “Sibuyas Queen” na si Lilia o Leah Cruz.
Binigyang-diin ito ni Enrile matapos mabunyag sa imbestigasyon sa kamara na ang mga kumpanyang pag-aari umano ni Cruz, ang nasa likod ng kartel ng sibuyas sa bansa.
Ito, anya, ang dahilan kaya nagagawang kontrolin ang presyo ng sibuyas sa mga pamilihan.
Ayon kay Manong Johnny, kung siya ang tatanungin sa nagmamahal na namang sibuyas, kaniyang kakanselahin ang lahat ng negosyo ni Cruz at hindi bibigyan ng permit na makapagnegosyo sa bansa.
Iginiit ng Dating Senador na dinadaya ni Cruz ang buong bansa at ibinubulsa ang lahat ng pera habang nahihirapan ang publiko dahil sa mataas na presyo ng nasabing produkto.
Nagtataka si Enrile kung bakit nakakapag-negosyo pa rin si Cruz gayong lumitaw sa imbestigasyon na ilang beses na itong nahuli pero hindi nagtatagumpay ang kaso sa korte.