Nakukulangan pa rin ang isang labor group sa panibagong price cap na ipinatupad ng Department Of Health sa mga RT-PCR test kontra COVID-19.
Ayon kay ALU-TUCP Spokesman Alan Tanjusay, mabigat pa rin sa bulsa ng karaniwang economic frontliner ang inaprubahang tapyas presyo ng DOH na P2,450 mula sa dating P3,360 depende kung saan magpapatingin.
Iginiit ni Tanjusay na gobyerno o mga kompanya ang dapat umako sa gastos sa swab test lalo’t wala namang dagdag-sahod bukod pa sa nauudlot na trabaho simula pa noong marso ng isang taon.
Simula Setyembre 6, nasa P2,450 hanggang P2,800 na ang RT-PCR test sa mga pampublikong pasilidad habang P2,940 hanggang P3,360 sa mga pribadong pasilidad.—sa panulat ni Drew Nacino