Dapat na patuloy at puspusang isulong ng Pilipinas ang tinamong tagumpay o panalo sa Permanent Court of Arbitration sa The Hague ukol sa usapin sa West Philippine Sea (WPS) para maging ganap ang ating tagumpay sa pag-angkin sa naturang lugar.
Ito ang inihayag ni Senador Panfilo Lacson, Chairman ng Senate Committee on National Defense and Security, Peace, kasabay ng pagsasabing malaki pa ang kailangang gawin ng Pilipinas dahil patuloy pa rin ang presensiya ng Tsina sa West Philippine Sea.
Ang pahayag ni Lacson at kasabay ng ika-5 taong anibersaryo ng makasaysayang legal victory na tinamo ng bansa sa arbitral tribunal.
Nakamit aniya ng Pilipinas ang makasaysayang panalo laban sa Tsina noong Hulyo 12, 2016 pero hindi pa aniya ganap ang ating tagumpay dito.
Muling ipinananawagan ni Lacson ang pangangailangan na magkaroon ng balanseng presensiya ng mga puwersa sa South China Sea Region, sa pamamagitan ng malakas na pakikipag-ugnayan ng Pilipinas sa mga kaalyadong bansa na kinabibilangan ng Amerika, Australia, Japan at ilang bansa sa Europa. —ulat mula kay Cely Bueno (Patrol 19)