Nabulgar sa budget hearing ng Senado na tinangka ni dating BuCor Chief Nicanor Faeldon na ipalipat sa Sablayan Prison sa Mindoro ang isang P1-B pondo para sa rehabilitasyon ng mga regional prison ng Bureau of Corrections (BuCor).
Sa pagbusisi ng mga Senador sa panukalang budget ng Department of Justice (DOJ) para sa susunod na taon, kinuwestiyon ni Senate Minority Leader Franklin Drilon kung bakit matatapos na ang taon pero hindi pa nailalabas ang pondo para sa rehabilitasyon ng mga bilangguan sa bansa.
Pero sa sagot ni Senate Committee on Finance Chair Sonny Angara sa pagdepensa sa budget ng DOJ, sumulat pala si Faeldon sa Department of Budget and Management (DBM) para hilingin na ipalipat sa Mindoro ang pondo.
Dahil dito, naantala ang special allotment release order para sa rehabilitasyon ng bilangguan sa Davao, Palawan, Zamboanga at correctional institution for women.
Dahil dito, sinabi ni Drilon na walang karapatan at kapangyarihan si Faeldon na ipa-overturn o ipabago ang nilalaman ng pambansang budget na inaprubahan ng Kongreso.