Isinulong ng mga miyembro ng House Appropriations Committee na ibalik ang tinapyas na pondo mula sa panukalang 2022 Budget ng Commission on Elections.
Ito’y sa gitna ng preparasyon ng Comelec para sa 2022 national elections kahit may COVID-19 pandemic.
Mula sa hirit na P41-B ng Comelec, sumadsad ito sa P26-B matapos tapyasan ng Department of Budget and Management ng P15-B.
Ayon kay committee chairman at Surigao Del Norte Rep. Francisco Matugas, dapat lang ibalik ang kinaltas na pondo lalo’t malaking hamon ang pagsasagawa ng halalan ngayong may pandemya.
Nagkaisa ang mga committee member na mas makabubuting ibalik ang pondo upang madagdagan ang pambili ng mga makina upang mabawasan ng 800 botante ang bawat cluster precinct at maiwasan ang hawaan.
Dagdag pondo rin ang kailangan para sa pag-hire ng karagdagang gurong magsisilbing election board officer bukod pa sa hiling nilang dagdag hazard pay at honorarium. —sa panulat ni Drew Nacino