Layer farms at hindi ang broiler ang talagang tinatamaan ng bird flu virus.
Ito ang binigyang-diin ng Pangulo ng United Broilers Raisers Association (UBRA) na si Bong Inciong sa panayam ng programang ‘Balita Na, Serbisyo Pa’ ng DWIZ.
Aniya, marami ang nalilito o hindi nakikita ang kaibahan ng dalawa.
Paliwanag ni Inciong, ang mga manok na nasa layer farms ay ang mga pinagkukunan ng mga itlog habang ang broilers naman ay inaalagaan para gawing karne na siyang nabibili sa mga pamilihan.
Marami ho sa ating mga kababayan at kahit po sa ating mga kaibigan sa media hindi po nauunawaan ang pinagkaiba nung dalawa.
Broiler po, kami po ‘yung producer po nung niluluto niyong fried chicken, ‘yung nagiging fried chicken, nagiging tinola, nagiging lechon manok, iba po kami doon sa layer.
Ang layer po ‘yung nangingitlog, kami po ang production cycle laang ho namin eh 30 to 35 days, ‘yung layer ho hanggang dalawang taon.
Humingi ng tulong ang Pangulo ng UBRA sa Department of Agriculture (DA) na maipaliwanag ito sa publiko dahil sila aniya ang mas natatamaan pagdating sa negosyo.
Dagdag pa niya, talagang naging matumal ang kita nila simula nang napabalita ang naturang outbreak sa Pampanga.
Nakikita naman aniya nila ang effort na ibinibigay ng Malakanyang, Department of Agriculture, Department of Health (DOH) at Department of Trade and Industry (DTI), na siyang nagpapakalat na safe paring kainin ang mga manok sa merkado.
Sa huli, humiling si Inciong ng isang dayalogo sa DA para mapakinggan ang kanilang panig.
Eh ang tinatamaan ho layer, ang bukol ho sa amin.
Ang apektado ang benta talaga dito ho sa amin, sa broiler.
Kami naman ho ay sumusuporta sa Department of Agriculture pero marahil matutulungan nila ho kami.
Naiintindihan ho naming abala ho sila sa pag-uulat, dun sa pag-aasikaso sa operation sa San Luis at sa pagpa-plano ng mga programa sa susunod na buwan.
Kanya lang ho makakatulong ho sa amin, sa sektor namin kung ipaliliwanag nila ‘yung katotohanan na ang na-aapektuhan ng virus na ito ay yung layer, sa itik.