Tinatayang 5,000 mga Overseas Filipino Workers (OFW) ang nakararanas ng pangmamaltrato at pang-a-abuso sa iba’t-ibang mga bansa sa nakalipas na taon.
Ito’y ayon kay Senador Joel Villanueva, chair ng labor committee ng senado, sang-ayon aniya ito sa report ng Philippine Overseas Labor Offices (POLO).
Sa gitnang silangan ang may pinakamaraming OFWS na biktima ng karahasan, kung saan 4,302 sa mga ito ay biktima ng pangmamaltrato.
209 naman ang biktima ng sexual abuse at harassment at 31 naman ang ginahasa o ni-rape.
Sa Asya naman, naitala ang 593 na mga OFWs ang minaltrato, 51 ang biktima ng rape, at 35 ang dumanas ng sexual abuse.
Habang sa iba pang panig ng mundo gaya ng America at Europa, 86 ang naitalang minaltrato, tatlo ang hinalay at may 32 ang nabikta ng pang-aabusong sexual.
Bukod sa mga ito, may naitala rin ang mga awtoridad na mga biktima ng contract violation at substitution.