Pinaplantsa na ang binansagang “true state of the nation” ni Vice President Jejomar Binay.
Inihayag ito ni Binay kahapon sa pagbubukas ng Security Congress APAC 2015 sa Sofitel Plaza, Pasay City.
Sinabi ng Bise-Presidente na may mga katanungan siyang sasagutin sa sarili niyang bersyon ng SONA.
Matatandaang mayroong pinasaringan ang Pangulong Noynoy Aquino sa isang bahagi ng kanyang SONA kung saan sinabi niya na maraming kumokontra sa daang matuwid na sinasabi pa na kung sila ang nakaupo bilang Pangulo ay gaganda ang buhay.
Malaya ang Bise
Malaya si Vice President Jejomar Binay na gumawa ng sariling bersyon ng ulat sa bayan.
Ito ang tugon ng Malacañang sa pahayag ni Binay na maglalabas din siya ng kanyang “true state of the nation” bilang sagot sa mahigit 2 oras na SONA ng Pangulong Noynoy Aquino nitong Lunes.
Binigyang-diin ni Presidential Communications Group Secretary Sonny Coloma na hindi naman naglubid ng istorya ang Pangulong Aquino sa kanyang SONA dahil sa lahat ng pagkakataon ay naging totoo ito sa kanyang mga boss.
Sa bandang huli, ayon kay Coloma, ang taumbayan ang magpapasya kung alin ang tunay na SONA.
By Meann Tanbio | Aileen Taliping (Patrol 23)