‘Kung kaya nila, kaya ko rin’.
Sa mga salitang ito nagsimula ang propesyon ni Ginang Nelly Perez o ‘Mam Nell’ bilang isang guro.
Isa si Mam Nell sa itinuturing na ‘Mother of Multi-Grade’ sa Libmanan South District sa rehiyon ng Bicol.
Ang multi-grade teacher ay ang mga guro na nagtuturo sa isa o higit pang baitang.
Taong 1988 nang ma-destino si Mam Nell sa una nyang assignment, sa paaralan ng Sta. Cruz Elementary School sa Libmanan na halos tatlong (3) bundok ang layo sa kabihasnan.
Dalawa lamang ang classrooms sa naturang paaralan kaya’t may tatlong (3) baitang sa kada room.
Sama-sama sa iisang classroom ang Grade’s 1 hanggang 3 at Grade’s 4 hanggang 6.
Mag-isa pa lamang siyang nagtuturo noon sa naturang paaralan at di kalaunan ay binigyan din sya ng tatlong (3) mga guro na kanyang makakatuwang.
14 taon na ang nakararaan nang umalis sya doon ngunit sariwa parin kay Mam Nell ang mga hirap na kanyang dinanas para lang makapagturo sa naturang eskwelahan.
Kwento niya, kailangan maglaan ng isang araw para makarating sa naturang paaralan.
Paputok pa lamang ang araw ay dapat bumabyahe na siya.
Dahil sa wala pa noong diretsong jeep papunta sa lugar ng naturang paaralan, dumadaan sila sa dagat gamit ang de-motor na bangka’t maglalakad ng ilang kilometro.
Malas na lang umano kung may malakas na ulan o bagyo na sasalubong sayo.
At dahil sa layo ng kanyang nilalakbay, pinili ni Mam Nell na mawalay sa kanyang pamilya kaya’t tuwing weekend na lamang siya nakakauwi o minsan ay isang beses sa isang buwan, upang makatipid na rin sa pamasahe.
Hindi rin umano madali ang gumawa ng lesson plans noon dahil hindi pa inaabot ng kuryente ang lugar kaya’t gasera lamang ang kaniyang katuwang.
Ayon sa kanyang mga naging estudyante, istrikto si Mam Nell lalo na pagdating sa mga aralin.
Kwento pa nila, anino pa lamang nito’y nagsisitakbuhan na sila sa kanilang classrooms.
Ngunit humahanga umano sila sa tiyaga ng kanilang guro kung paano sila turuan nito lalo na’t salat sila sa silid-aralan at mga libro.
Nakikita rin umano nila ang hirap na pinagdadaanan nito makarating lang sa kanilang paaralan kaya’t malaki rin umano ang kanilang utang na loob sa kanilang hinahangaang guro.
Nasaan na si Mam Nell ngayon?
Matapos ang 15 taon, nakita ng PSDS o Public Schools District Supervisor ng Libmanan South District ang matiyagang pagtuturo ni Mam Nell kaya’t sa tulong nito’y nailipat siya sa Palong Elementary School.
Malaking ginhawa na ito kay Mam Nell dahil nasa highway na ito, hindi na kailangan maglakbay ng malayo’t maaari na siyang makauwi araw-araw sa kanyang pamilya.
Hanggang mailipat muli siya sa paaralan ng Beguito Viejo noong 2006 at muli noong 2008 sa Duwang Niyog Elementary School.
Sa haba ng kanyang paghihintay, noong 2013 ay dininig ng Diyos ang kanyang panalangin na mailipat sa malapit sa kanilang tahanan.
Na-destino siya sa R. Malanyaon Elementary School sa distrito ng Pili, Camarines Sur.
Ngayon ay abot kamay niya nang binabyahe ang kasalukuyan nyang assignment.
Tila isang regalo umano ito sa kanya bago man lang siya mag retire.
Dagdag pa niya, isa rin sa kanyang ipinagpapasalamat sa Diyos ay ang gabay na binibigay sakanya para mabalanse niya ang kanyang mga responsibilidad sa paaralan bilang guro at sa bahay bilang isang ilaw ng tahanan.
At sa kanyang ika-29 na taon sa pagtuturo, patuloy umano syang tutulong sa mga batang mag-aaral na maging maka-kalikasan, maka-Diyos, maka-tao, makabayan at maging mabuting bata sa kani-kanilang mga magulang.
Nag-iwan ng limang (5) mensahe si Mam Nell sa mga gustong maging guro: a) mahalin ang ginagawa; b) continuous learning; c) maging innovative sa lahat ng bagay; d) maging malikhain at mapamaraan, at; e) bigyan ng effort ang lahat ng ginagawang pagtuturo.
Samantala, bilang guro ng tradisyonal na pamamaraan ng pagtuturo, bukas anya si Mam Nell sa makabagong teknolohiya ngayon.
Medyo mahirap man umano ito sa parte nila ngunit mas mainam umano na akapin ang mga makabagong pamamaraan na ito upang makasabay sa tugtugin ng mga bagong henerasyon na darating pa.
By Race Perez