Nananatiling matatag ang tiwala at suporta ng buong business sector sa Pangulong Rodrigo Duterte.
Tiniyak ito ni Presidential Adviser for Enterpreneurship Joey Concepcion sa kabila nang pagbagsak ng ratings ng Pangulo.
Ayon kay Concepcion, patuloy naman ang pag-ganda ng stock market ng bansa.
Kasabay nito, ipinabatid ni Concepcion na bumuo na ng cluster o grupo ng mga negosyante para makipag-tulungan sa economic team ng gobyerno.
Kabilang aniya sa tinatalakay ng business sector sa ilang sangay ng gobyerno ang mga infrastructure projects na priority ng Duterte administration.
Inihayag ni Concepcion na asahan na ang mga panukala ng mga negosyante para pondohan o suportahan ang proyekto ng Pangulo kaugnay sa pagpapabuti ng mga paliparan sa bansa.
Matatandaang bumulusok ang net satisfaction rating ni Pangulong Rodrigo Duterte sa pinakahuling survey ng Social Weather Stations o SWS.
Sa SWS survey na isinagawa noong September 23 hanggang 27, 2017, sumadsad sa plus 48 ang satisfaction rating ni Pangulong Duterte o bumagsak sa “good” level sa ikatlong quarter ng taon.
Kumpara ito sa plus 66 na nasa “very good” level noong Hunyo o ikalawang quarter ng taon.
Ito na ang pinakamababang naitalang net satisfaction rating ng Pangulo at unang beses na bumagsak sa below plus 60 mark.