Tumaas ang tiwala ng mga healthcare workers sa pagbabakuna kontra coronavirus disease 2019 (COVID-19) na programa ng pamahalaan.
Ito ay ayon kay Health Secretary Francisco Duque III makaraang halos trumiple aniya ang bilang ng mga healthcare workers na nagpabakuna mula nang magsimula ito.
Aniya, mula sa 791 na nabakunahan noong unang araw ng pagbabakuna, ika-1 ng Marso, ay umabot na sa kabuuang 2,002 ang mga nabakunahan sa sumunod na araw.
Patunay lamang aniya ito nang tumataas na tiwala ng mga healthworkers sa vaccination program ng pamahalaan.
Umaansa naman aniya sila na mas marami pang medical frontliners, na mga nasa priority list ng gobyerno, ang tatanggap ng COVID-19 vaccines.
Sa ngayon ay Sinovac vaccine pa lamang ang available na bakuna sa bansa.